Inaayos na raw ni U.S. President Joe Biden ang mga ipapadalang coronavirus vaccines sa India.
Kasabay na rin ito ng paghihirap na nararanasan ngayon ng nasabing bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng naitatalang kaso doon ng nakamamatay na virus.
Ginawa ng Democratic president ang anunsyong ito matapos sabihin ng Estados Unidos na maglalabas ito ng 60 milyong AstraZeneca vaccine para ipamahagi sa ibang bansa sa oras na sumailalim ang mga ito sa safety inspection ng health authorities/
Ang nasabing doses ay kumakatawan sa buong AstraZeneca vaccine stock ng Amerika na hindi nabigyan ng emergency use approval. Sa ngayon ay ang mga bakuna na gawang Moderna, Pfizer-BioNTech, at Johnson & Johnson ang ipinamamahagi ngayon sa U.S.
Hindi naman sinabi ni Biden kung anong bakuna ang ipapadala sa India, subalit nakausap na niya tungkol dito si Indian Prime Minister Narendra Modi.
“The problem is right now we have to make sure we have other vaccines like Novavax and others coming on probably, and I think we’ll be in a position to share vaccines as well as know-how with other countries who are in real need,” ani Biden.
“That’s the hope and expectation, and I might add when we were in a bind at the very beginning India helped us,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan ay mahigit 17 milyon na ang kaso ng coronavirus sa Amerika habang ang death toll naman ay pumalo na ng 200,000.
Ang pagsirit ng COVID cases sa India ay nagbunsod sa kakulangan ng bansa sa oxygen supply, hospital beds at life-saving drugs.
Una nang natanggap ng India ang emergency medical supplies mula sa United Kingdom na binubuo ng 100 ventilators at 95 oxygen concentrators.