BACOLOD CITY – Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya Garcia na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila councilor Michael Garcia at dating punong barangay Mark Garcia.
Sa pagpunta ng pangulo sa Moises Padilla , nakausap nito si Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo bago ang kanyang command conference sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines sa Moises Padilla Elementary School.
Pumunta rin sa paaralan si Moises Padilla Mayor Magdaleno “Magsie” Peña ngunit kinausap sila ng presidente sa magka-ibang kwarto.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Bacolod kay Yulo, aminado ito na hindi nito maihahayag ang lahat ng pinag-usapan nila ng pangulo ngunit tinitiyak ng chief executive ayon sa kanya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay sa kanyang kapatid na si Mark at pamangkin na si Michael nung inambush ang kanyang convoy sa Barangay Inolingan noong Abril 25.
Ayon sa bise alkalde, ginarantiya ni Duterte na walang cover-up sa imbestigasyon ng otoridad tungkol sa double slay case ngunit wala ito nakapahayag tungkol sa takbo ng pagsisiyasat ng otoridad.
Malaki naman ang pagpasalamat ng pamilya Garcia sa iniwang pahayag ng presidente.
Ayon dito, matagal na silang naghihingi ng tulong at tuluyan na ring napakinggan.
Dagdag pa ni Peña, inihayag nito na gusto ng pangulo ang katahimikan sa Moises Padilla lalong-lalo na ngayong madami ang mga sundalo na naka-deploy dito kasunod sa deklarasyon ng Comelec control.
Hindi na rin makaka-pagbanta ang New People’s Army ayon kay Peña sa mga residente sa bundok dahil maraming mga otoridad ang nakabantay sa lugar.
Nagtagal naman sa 20 minuto ang pag-uusap ni Peña at pangulong Duterte.