-- Advertisements --
President Rodrigo Roa Duterte

Hindi ikinaila ni Pangulong Rodrigo Duterte na may banta umano ito sa kanyang buhay.

Sa kaniyang talumpati sa PDP Laban campaign rally sa Malabon, sinabi ng Pangulo na mayroong nais na pumatay sa kaniya.

Hindi naman tinukoy ng Presidente kung sino ang nasa likod nito.

Isa sa mga ginawa ng kaniyang Presidential Security Group (PSG) ay maglagay ng bullet proof glass sa kaniyang kinatatayuan habang nagtatalumpati upang magsilbing harang kung sakali.

Ayon sa mga observers, ito nag unang pagkakataon na gumamit ang PSG ng bullet proof glass.

Gayunman, idinaan sa biro ng commander-in-chief ang paghihigpit na ito ng kanyang security team.

Ayon pa sa Pangulo na wala itong magagawa kung sakaling dumating na ang oras niya.

Wala aniya itong kontrol sa ipinapatupad na higpit sa seguridad ng kaniyang PSG kaya ito ay sumusunod na lamang.

“Alam mo ha itong picture frame na ito ha iyon ang hindi ko na kontrolado. Sumama man ang loob ko magalit ako, hindi ko mautusan ang security setup ng PSG, Presidential Guards, kasi sila talaga ang masunod,” paliwanag ng Pangulong Duterte na sinabayan nang pagpapatawa. “Tingnan ko lang kung gaano kakapal ito. Mukha ‘hong hindi matablan ito ng bala, baka pintik siguro kaya.”

Iginiit nito na ang pagpoprotekta sa isang Pangulo ay nangangahulugan ito na parang pinoprotektahan din ang bansa.