-- Advertisements --

Mismong liderato na ng Senado ang humimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na irekonsidera ang Visiting Forces Agreement (VFA) cancellation.

Ang nasabing treaty ay pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa Estados Unidos noong 1999, sa layuning mapalakas ang pwersa ng bansa kung sakaling may mga banyagang magtatangkang sirain ang kaayusan ng Pilipinas.

Batay sa Senate Resolution 312, sinabi nina Senate President Vicente Sotto III, Senator Minority Leader Franklin Drilon at Senate Committee on National Defense and Security chair Sen. Panfilo Lacson na kailangang ikonsidera muna ang intelligence sharing, military aid at technical assistance na maaaring mawala kapag kinansela ang VFA.

“A careful deliberation of these matters must be taken into account before finally arriving at a decision which will ultimately affect not only the security and economy of the Philippines but also that of our neighboring countries in the Asia Pacific region,” saad ng resolusyon.

Ang pananaw ng mga senador ay inilabas bago pa man ang formal review sa nasabing kasunduan.

Isa sa sinasabing rason sa planong pagkalas sa treaty ang ginawang pagkansela ng US sa visa ni Sen. Ronald dela Rosa.

Pero naniniwala si Dela Rosa na mas malalim pa kaysa rito ang tunay na dahilan ng Pangulong Duterte, dahil marami aniyang saloobin ang chief executive sa tila dehadong kalagayan ng Pilipinas sa VFA.