-- Advertisements --
Duque DOH Duterte IATF

DAVAO CITY – Labis na ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ng Russia lalo na si Russian President Vladimir Putin na handa umano itong magbigay ng bakuna para sa bansa.

Sa kanyang public address na isinagawa sa Panacan sa lungsod ng Davao, sinabi ng Pangulo na tatanggapin niya ang tulong ng Russia ngunit pag-uusapan pa kung ilang supply ang kakailanganin ng bansa.

Ipinangako rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung dadating na ang bakuna, siya ang mauuna dahil malaki ang kanyang tiwala sa isinagawang pag-aaral ng Russia sa COVID-19 vaccine.

Sinasabing libre umano na ibibigay ng Russia ang nasabing bakuna kung ikukumpara sa ibang bansa gaya ng Amerika na may bayad.

Muling tiniyak ng Pangulo na sa darating na buwan ng Setyembre at Oktubre, sisimulan na umano ang distribution ng COVID vaccine sa buong mundo at posibleng sa buwan ng Disyembre ay magkakaroon na ng bakuna ang bansa.