-- Advertisements --

Isinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang paglala sa problema sa West Philippine Sea matapos na tanggalin nito ang mga barko ng Pilipinas.

Sa kaniyang address to the nation nitong Lunes ng gabi, nagbigay na ng reaksyon ang pangulo sa mga kritiko nito sa pagiging tahimik niya sa usapin sa West Philippine Sea.

Duterte Rodrigo

Ayon sa pangulo, ang pagtanggal ng barko sa panahon ni Pangulong Noynoy Aquino ay nagpapakita na hindi sa Pilipinas ang dagat.

Paglilinaw nito, ayaw na niyang makipag-away sa China dahil nais niya na makipag-kaibigan sa kanila.

Wala aniyang interes ang pangulo sa mga isda kaya pumapayag ito na makihati ang China sa kung ano ang nandoon sa lugar.

Hindi lamang aniya ito papayag kapag ang kinuha na ng China ay mga langis, nickel at mga mahahalagang bato at doon na dapat gagawa ng hakbang ang Pilipinas.

Wala aniyang magiging problema kung magsimula ang Pilipinas ng giyera sa China o Amerika pero ang problema ay kung ano ang mapapala ng bansa.

Mababawi lamang daw natin ang West Philippine Sea kung magkakaroon ng puwersahang pag-angkin.

“We can retake it only by force. There is no way that we can get back ang tawag nilang Philippine Sea without any bloodshed. ‘Yan talaga ang totoo,” wika ng pangulo.

Magugunitang makailang beses ng naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) matapos mamataan ang mahigit 200 na barkong pangisda ng China sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.