-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng klase sa susunod na buwan kung saan karamihan sa mga estudyante ay sasailalim sa blended learning kung saan kabilang dito ang online classes, muling nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte ng kanyang pagkadismaya sa patuloy na reklamo laban sa mga Telecommunication Companies (Telcos).

Sa kanyang Public Address, umapela ang Pangulo sa mga telcos na kung maaari ay pagbutihin pa ng mga ito ang kanilang serbisyo sa publiko.

Bagaman sinabi rin ng Pangulo na isa sa mga problema ng telcos kung bakit hindi maganda ang kanilang serbisyo ito ay dahil na rin sa dami ng mga hinihinging requirements at ang reklamo ng komunidad sa kanilang itatayong istraktura gaya ng mga tower.

Nanawagan na lamang ang Punong ehekutibo sa publiko ng kooperasyon sa pagitan ng mga telcos para mas mapabuti pa ng mga ito ang kanilang pagbibigay ng serbisyo.