Kinumpirma ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na buksan sa publiko nang libre ang mga sports at events sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games).
Ito ang iniulat ngayon ni PHISGOC chief operating officer Tats Suzara sa ginanap na press conference sa International Broadcast Center sa Clark, Pampanga.
Una nang inanunsiyo ni PHISGOC chair House Speaker Alan Peter Cayetano na tanging ang mga larong basketball, volleyball at football ang hindi libre.
Paliwanag naman ni Suzara, una na kasing naibenta ang mga tickets sa naturang tatlong mga laro.
Para naman daw sa mga libreng tickets maaaring ipamahagi ito sa mga mayors sa local government units na siya namang mamamahala sa sistema nang pagbibigay.
Kailangan pa rin daw kasi ang proseso dahil sa pinaiiral na seguridad kaya’t dapat pa ring may hawak na tickets ang manonood.
Kung maaalala kabilang sa nananawagan sa mga organizers ay ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas president na si Monico Puentevella na sana ilibre ang mga laro lalo sa mga estudyante upang maging bentahe ang hometown crowd at hindi langawin bunsod ng may bayad ito.