Inabisuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na maaari ng hindi gumamit ng face shield kapag sila ay nasa open area.
Sa kaniyang panibagong “talk to the people” nitong Miyerkules ng gabi sinabi ng pangulo na kaniyang sinusunod ang payo ng mga government experts.
Dahil dito papayagan na ang pagtanggal sa paggamit ng face shields sa mga lugar na hindi kasama sa “3C category” o sa mga “crowded, closed at close contact.”
Magugunitang unang nilimitahan ng pangulo noong Hunyo ang paggamit ng face shield kapag ang isang tao ay nasa pagamutan subalit matapos ang ilang araw ay kaniya ito ng binawi at inatasan ang mamamayan na magsuot ng face shield kapag sila ay nasa loob at labas.
Paliwanag noon ng pangulo, natakot siya sa pagdami ng Delta variant ng COVID-19 kaya ipinag-utos niyang muli ang paggamit ng face shields.