-- Advertisements --
IATF davao meeting Duterte DND Bong GO

DAVAO CITY – Muling pinulong ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa tinaguriang Panacañang sa Panacan sa lungsod para pag-usapan ang update patungkol sa sitwasyon ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa.

Muling tinalakay ang mga hakbang na ginagawa ngayon ng gobyerno, pagpapababa ng mga restrictions sa iba’t ibang areas sa bansa at ang mga ginagawang paghahanda sa economic recovery.

Sa kanyang public address, muling pinayuhan nito ang mga residente sa Cebu na isinailalim ngayon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na dapat sumunod sa mga polisiya dahil na rin sa mataas na bilang ng mga nagpositibo.

Napansin umano ng Pangulo na parang balewala lang sa ilang mga residente sa nasabing siyudad ang mga paalala ng gobyerno dahilan kaya mabilis ang pagtaas ng mga nahawa sa virus.

Kabilang rin sa mga nagpag-usapan ng Pangulo at IATF ang update ng temporary suspension sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) System Line 3 sa Metro Manila simula kahapon at ibabalik lamang ito kung magnegatibo na ang mga nagpositibong personahe.

Tiniyak naman ng chief executive na magdaragdag umano ng bus augmentation para sa mga maaapektuhan na mga pasahero.

Samantala, muling inulit din ang anunsiyo na tinapos na rin ang suspension ng non-essential travel sa mga Filipinos, kabilang na rito ang exit travel restrictions ngunit mga kondisyon naman na ipapatupad para sa mga outbound Filipino travelers o papunta sa labas ng bansa.

Kung saan ay kailangan daw ay may sapat na pera at health insurance ang ito para magamit kung magpositibo man sila sa COVID-19 habang nasa ibang bansa.

Naiulat din ang paghahanda na ginawa ng bansa para sa pagbubukas ng ekonomiya.

Nagbigay din ng update ang ilang miyembro ng gabinete sa ginagawa ngayon ng pamahalaan para masigurong may sapat na isolation facilities at hospital beds sa mga pasyente ng COVID.

Muling inihayag ng Pangulo na hindi pa tapos ang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 kaya kailangan pa rin umanong sumunod sa mga minimum health standards gaya na lamang ng social distancing, paghugas ng kamay at pagsusuot ng face mask.

Samantalang naisingit naman ni Pangulong Duterte ang ukol sa pagpasa ng anti-terrorism law kung saan iginiit nito na walang dapat ikatakot sa nasabing batas dahil para lamang ito sa mga terorista na gumagawa ng gulo lalo na sa rehiyon ng Mindanao.