Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health (DOH) laban sa naging ulat ng Commission on Audit (COA) sa hindi nagamit na pondo na nagkakahalaga ng P67 bilyon.
Sa kaniyang lingguhang talk to the nation nitong madaling araw ng Martes, Agosto 17, sinabi nito na nagkaroon lamang ng kakulangan sa mga papeles kaya nagkaroon ito ng bahagyang problema.
“‘Pag mag-ano ang COA, magsabi sila na deficiency, ganoon ganoon, hindi naman ibig sabihin deficiency na ninakaw mo ‘yung pera. Deficiencies, really, in producing the necessary documents to complete the story,” wika ng pangulo.
Nanawagan din ito sa COA na dapat bago sila magsagawa ng audit ay patapusin muna nila ang trabaho ng isang ahensiya at huwag agad maglabas ng anumang ulat dahil lalabas na kinurakot ito ng gobyerno.
Inihayag din ito na makailang beses na ring naghain ng kaniyang pagbaba sa puwesto si DOH Secretary Francisco Duque III subalit hindi nito tinanggap dahil sa tiwala pa rin ito na ginagampanan ng kalihim ang kaniyang trabaho.