Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na iboto ang mga bagong mukha para sa pagka-senador sa susunod na taon.
Sa kaniyang national address nitong Miyerkules ng hatinggabi sinabi ng pangulo na walang mali kung mamili ng bagong mukha sa pagkasenador.
Paglilinaw naman nito na mayroon ding mga kasakuluyan at nagdaang mga opisyal ng gobyerno ang may karapatan na umupo sa Senado.
Sa isang punto ay hindi nito maiwasan na banggitin sa publiko na huwag daw iboto si Senator Richard Gordon dahil sa paglalagay umano nito ng mga mukha niya sa mga binibili niyang ambulansiya.
Magugunitang pinangunahan ni Gordon ang Senate Blue Ribbon committee na nag-iimbestiga sa maanomalyang pagbili umano ng gobyerno ng mga medical supplies para sa paglaban sa COVID-19 pandemic.