DAVAO CITY – Bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davao City para makipagpulong sa mga lokal na mambabatas mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa kanilang unang lokal na legislative general assembly.
Ang aktibidad ay ginanap sa isang hotel sa Lanang sa lungsod, kung saan daan-daang BARMM contingents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang dumalo sa naturang event, karamihan sa mga contingents ay nagmula sa Lanao Del Sur, Maguindanao, Basilan, at Tawi-tawi.
Layunin ng aktibidad na ito na ipakita ang mga programa ng pambansang pamahalaan para sa BARMM, kabilang ang mga hamon na kinakaharap sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa BARMM.
Ipinapatupad din ang mahigpit na seguridad sa buong hotel, kung saan naroroon ang PNP, Task Force, BFP, EOD K9, at ang Presidential security sa paligid.
Itinaguyod ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP) ang unang legislative general assembly ng BARMM, sa pangunguna ni MILG Minister Atty. Naguib Gani Sinarimbo at VMLP BARMM President Vice Mayor Almedzar A. Hajiri ng Lugus, Sulu.