Naging emosyunal at naluha si Pang Ferdinand Marcos Jr. nang magsalita ito sa anti-online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) Summit 2024 sa Makati City.
Bago kasi nagbigay ng mensahe ang pangulo ay nagsalita ang isang survivor ng OSAEC na naglahad ng kaniyang hindi magandang karanasan ng pag-abuso, ilang taon na ang nakalilipas.
Sa kaniyang kwento, sinabi ng biktimang si Charito, 13 years old lamang siya noon nang maging biktima ng pang aabuso.
Lumaban naman aniya siya, nagharap ng kaso laban sa mga akusado, nakamit ang hustisya matapos ang 10 taon.
Ang nakalulungkot lamang aniya, hanggang ngayon ay nakakawala pa ang mga nasa likod ng krimen.
Sa naging talumpati ng pangulo na habang naglalahad ng kaniyang karanasan ang biktimang si Charito, hindi aniya niya napigilang maluha at mapaisip kung ilan pa kayang mga bata ang ngayon ay nagdurusa at nasa kamay ng mga indibidwal o taong nasa likod ng OSAEC.
Ayon sa pangulo, hindi rin niya maiwasang makaramdam ng hiya dahil kulang pa ang ginagawa ng gobyerno para labanan ang ganitong uri ng krimen at patuloy na namamayagpag ang mga salarin at sindikato.
Aniya kahiya-hiya rin na nabansagan ngayon ang Pilipinas bilang epicenter ng OSAEC.
Dahil dito, inatasan ng pangulo ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na palakasin pa ang paghahabol at pagpanagot sa mga nasa likod ng ganitong krimen.
Hindi aniya dapat hayaang manatili ang ganitong uri ng kahindik-hindik na pangyayari sa ating mga anak.
Sa nasabing pulong, nagkaisa ang national at local leaders para wakasan ang pang-aabusong sexual sa mga bata gamit ang internet.
Inilunsad sa pagtitipong iyon ang strategic campaign para sa mas maigting na reporting o pag uulat ng mga kaso ng OSAEC sa mga komunidad.