Ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglikha ng green lanes sa mga opisina ng gobyerno at isang One stop Action Center para mapadali ang pagpasok ng strategic investments sa bansa.
Ayon sa Pangulo, ang Executive Order No. 18 na nilagdaan nitong Huwebes, inaatasan ang Department of Trade and Industry (DTI) – Board of Investments na maglagay ng One Stop Action Center for Strategic Investments (OSAC-BI) sa loob ng anim na buwan.
Magsisilbi itong isang single point of entry para sa mga proyekto na kwalipikado sa ilalim ng strategic investments, pagtugon sa mga concern ng investor, paggawa ng isang guidebook para sa mga requirements ng gobyerno at pagbibigay ng aftercare o post-investment assistance.
Ipinag-utos din ng Punong ehekutibo ang paglikha ng green lanes para sa pagpapabilis ng proseso at requirements para sa pag-isyu ng mga permits at lisensiya ng pamumuhunan na inendorso ng One Stop Action Center for Strategic Investments.
Kaugnay nito, inatasan ang epartment of Information and Communications Technology (DICT) na gumawa ng computerization software para sa pag-iisyu ng lisensiya at business permits sa mga lokal na pamahalaan katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Layunin ng hakbang na ito na maitaguyod ang Pilipinas bilang top investment destination kaalinsabay nito ang Eight-Point Agenda ng admisnitrasyon at parte ng patuloy na pagsusumikap para sa pagpapatupad ng mga reporma sa ease of doing business.