Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12145 na nagrereorganisa sa National Economic and Development Authority (NEDA) bilang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Ang DEPDev ang magiging pangunahing ahensya ng pamahalaan sa pagpaplano, pagbabalangkas ng polisiya, at pagsubaybay sa mga programang pangkaunlaran. Layunin nitong tiyakin ang koordinado at episyenteng paggamit ng mga yaman ng bansa at pamahalaan ang public investment program.
Magtatalaga rin ito ng long-term vision at 25-taong development framework para sa sustenableng pag-unlad ng bansa. Ang kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), bilang chief economist, ang magbibigay ng payo sa Pangulo at Gabinete ukol sa ekonomiya.
Mananatiling kaakibat ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) ang mga dating attached agencies ng National Economic and Development Authority (NEDA) tulad ng Philippine Institute for Development Studies at Public-Private Partnership Center. Magkakaroon din ito ng regional offices sa buong bansa, maliban sa NCR at BARMM.
Pinalalakas din ng batas ang ugnayan ng planning at budgeting sa pamamagitan ng tinatawag na Planning Call, na layong gawing mas epektibo at transparent ang paggamit ng pondo ng bayan.
Ang National Economic and Development Authority Board ay rereorganisahin bilang Economy and Development Council na pamumunuan ng Pangulo. Magiging epektibo ang batas 15 araw matapos mailathala. (report by Bombo Jai)