Hindi umano natitinag si Russian President Vladimir Putin sa mga ipinapataw na sanctions ng western countries laban sa kaniyang bansa at tiwalang mareresolba ang mga kinakaharap nitong problema.
Sa isang televised government meeting matapos ang dalawang linggo mula ng magdeklara si Putin ng tinawag nitong special military operation sa Ukraine, sinabi niya na hindi aniya basta bastang susuko ang kanilang bansa dahil lamang sa short term o pansamantalang economic gain na nagkokompromiso sa kanilang soberenya.
Sa huli, ang lahat daw ng ito ay mas lalo pa aniyang mag-aangat sa kanilang independensiya, self-sufficiency at soberenya.
Tiniyak din ni Putin sa mamamayan ng Russia na kaya nitong panindigan ang tinawag ng Moscow na “economic war” laban sa mga bangko, negosyo at business oligarchs.
Walang rin aniyang kinalaman ang Russia sa pagsasara ng import sa Russian oil sa American market.
Ang pagtaas aniya ng mga presyo na umabot sa pinakamataas na halaga sa kasaysayan ay para isisi sa Russia ang resulta ng kanilang pagkakamali.
Bagamat inamin ni Putin na ramdam sa kanilang bansa ang mga ipinataw na sanctions ng west mula noong lusubin nito ang Ukraine, tiwala raw ito na masosolusyunan ang lahat ng kinakaharap nilang problema sa kalmadong paraan.