Inilatag ni Russian President Vladimir Putin ang mga demands nito para sa peace deal sa Ukraine.
Ito ay matapos na tawagan ni Putin si Turkish President Recep Tayyip Erdogan.
Ang Turkey ang isa sa namamagitan sa pagkakaroon ng kaayusan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa leading adviser ng Turkish president at spokesman Ibrahim Kalin na nakibahagi sa pag-uusap ng dalawang pangulo, nahati sa dalawang kategorya ang demands ng Russia na hindi naman aniya mahirap gawin para sa Ukraine.
Una ay ang pagtanggap ng Ukraine na ito ay maging neutral at huwag makianib sa NATO na nauna ng tinanggap ni Ukrainian President Zelensky na hindi mapapabilang ang kaniyang bansa sa naturang alliance.
Ang iba pang demands sa kategoryang ito ay ang pagsasailalim sa disarmament process ng Ukraine para matiyak na hindi ito banta sa Russia, proteksyon para sa Russian language sa Ukraine at ang tinatawag na de-Nazification.
Sa panig ng Turkish government, ang demand na ito ng Russia ay umano’y “deeply offensive” para kay Zelensky na isang Jewish at may mga kamag-anak na namatay sa kasagsagan ng holocaust subalit madali naman aniya para kay Zelensky na tanggapin ito.
Ang ikalawang kategorya ay ang pagkakaroon ng face to face negotiations ni Putin at Zelensky bago magkaroon ng isang kasunduan na nauna ng sinabi ni Zelensky na handa nitong harapin si Putin.
Marahil ay nais daw ng Russia na isuko ng Ukrainian government ang teritoryo nito sa Donbass region at hilingin din sa Ukraine na pormal na kilalanin ang Crimea bilang annex ng Russia.