-- Advertisements --

Mahigpit na mino-monitor ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa walo hanggang 12 banyagang terorista na kumikilos ngayon sa bansa.

Ito’y matapos ibunyag ni AFP chief of staff General Eduardo Ano ang presensiya ng nasa nasa walo hanggang 12 foreign terrorists na tumutulong umano sa mga local terrorist group na naghayag ng kanilang alyansa sa ISIS.

Layon daw ng mga ito na tulungan ang mga teroristang Pinoy, lalo na sa pagsusulong ng paniniwalang Islamic state.

Sa ngayon, sinasabing tuloy-tuloy din ang pagpuslit ng mga international terrorist papasok ng bansa.

Tiniyak naman ni Ano na hindi makakalusot ang anumang masamang balakin ng teroristang grupo lalo na sa kalakhang Maynila.

Pagbibigay-diin pa ng AFP chief hindi nila hahayaan na makapaghasik ng karahasan ang teroristang grupo.

Mino-monitor din sa ngayon ng mga security forces lalo na sa Mindanao ang umano’y nasa 1,000 na mga Indonesian at Malaysians na miyembro ng ISIS na pabalik na ng kanilang bansa na posibleng dumaan sa southern backdoor partikular sa may Sabah area.