Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na pro-active measure lamang ang presensiya ng mga tauhan ng CIDG sa senado.
Ayon kay PNP CIDG chief Director Roel Obusan, nandoon sila sa Senado dahil direktiba ito ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa inilabas nitong Proclamation 572.
Paliwanag ni Obusan na ang presensiya ng mga pulis sa labas ng Senado ay isang police function para mapanatili ang kaayusan at mapigilan ang anumang eventualties na posibleng mangyari.
Ang kanilang presensiya sa Senado ay hindi para arestuhin si Trillanes kundi suporta sa ilang miyembro ng military police.
Tumanggi naman na magbigay pa ng komento si Obusan sa inilabas na proclamation 572 na siyang naging basehan sana para arestuhin sana si Sen. Antonio Trillanes IV.
Aniya, nasa korte suprema na ito at hihintayin na lamang nila ang ruling ng SC sa legality ng Proclamation 572.
Kapag mayroon na raw inilabas na warrant of arrest ang korte saka nila aarestuhin ang senador.
Samantala, wala namang ideya ang PNP kung ang mga kasamang mga military police na nananatili sa Senado ay may bitbit na warrant of arrest na inilabas ng Provost Martial.