Walang dapat ipangamba ang publiko kaugnay sa presensiya ng NPA assassins dito sa Metro Manila.
Ito’y kasunod sa insidenteng pagkakapatay sa dalawang high-ranking NPA leader sa isinagawang pagsisilbi ng warrant of arrest.
Ayon kay PNP OIC Lt Gen. Archie Gamboa, ang napatay na dalawang high-ranking NPA leaders ay nanggaling pa ng region 3.
Una ng sinabi ni DILG Sec Eduardo Ano na ang napatay na NPA leaders ay inatasan para iliquidate si Pang. Rodrigo Duterte.
Pero dahil sa pinalakas na intelligence monitoring ng PNP kaya natunton ang lokasyon nito at isinilbi ang mandamiento de aresto.
Siniguro ni Gamboa na sapat ang security measure na ipinatutupad ng PNP at AFP lalo na dito sa kalakhang Maynila.
Kasunod ng naitalang paglabag sa ceasefire ng NPA at ang nangyaring pagsabog sa Mindanao, walang balak ang PNP na irekumenda na palawigin pa ang Martial Law na magtatapos sa December 31,2019.
Sinabi ni Gamboa may persons of interest na rin ang PNP kaugnay sa Cotabato at Maguindanao bombing.