-- Advertisements --

Personal na namahagi ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Surigao City si Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinarap at nakihalubilo ang pangulo sa mga biktima ng lndol at taos pusong ipina-aabot sa mga ito ang kaniyang kalungkutan sa nangyaring trahedya.

Sa talumpati ng pangulo, nagbiro ito na sinuklian naman ng halakhak ng mga nakikinig na mga biktima ng lindol.

Pagbibigay-diin ng pangulo na kaniyang nalaman ang insidente nais talaga niyang magtungo agad sa Surigao pero hindi naman makalapag ang helicopter nito sa lugar.

Siniguro ni Duterte na lahat ng mga biktima at maging ang mga kamag-anak ng mga nasawi ay bibigyan ng tulong ng pamahalaan.

Pahayag ng pangulo na siya ay naaawa sa mga naging biktima at ang kaniyang puso ay nasa mga namatay sa lindol.

Nagpasalamat din ang pangulo sa mga nagbigay ng paunang donasyon sa mga biktima.

Gumagalaw na rin ngayon ang national government para tumulong sa mga kailangan ng local government ng Surigao.

Sa kabilang dako, nagbabala din ang pangulo sa mga mining company na kaniyang ipapasara ang mga ito.

Sinabi ng pangulo na ang mga nasirang kalikasan ay hindi na maibabalik pa ng mga mining firm.

Sakaling matutuloy ang pagsasara ng mga mining company, tiyak na maraming Filipino ang mawawalan ng trabaho pero giit ng pangulo gagawa siya ng paraan para hanapan ang mga ito ng pagkakakitaan.