Wala umanong dapat na ipangamba ang sinumang bansa kaugnay sa barko ng Estados Unidos na namataan sa West Philippine Sea.
Ang pahayag na ito ni PH-US Balikatan Exercise Director for Philippine Side Lt. Gen. Gilbert Gapay ay kasunod sa naging pahayag ng Chinese Foreign Ministry na nagdudulot ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo ang barko ng US.
Partikular na tinukoy ang USS Wasp, na isang multi-purpose amphibious assault vessel na namataan malapit sa pinagtatalunang mga isla.
Ang USS Wasp na may bitbit na mga F-35B aircraft ay kalahok sa Balikatan Exercise 2019 na siyang nagbibigay din ng training sa Philippine Navy.
Sinabi ni Gapay na ang presensiya ng US capabilities sa bansa ay para lamang umano sa war exercise.
Aminado si Gapay na tumaas sa 30% ang bilang ng mga participants at maging ang mga capabalities na ginamit sa katatapo lamang na Balikatan.
Ayon naman kay US Marine Corps Lt. Gen. Eric Smith, commanding general ng 3rd Marine Expeditionary Force, ang pagbitbit nila ng mga kagamitan dito sa bansa ay para mapalakas pa ang interoperability ng Pilipinas at US lalo na sa mga gagawing future joint military exercises.
Nais din ng US na maibahagi sa mga Filipino forces ang kaalaman patungkol sa paggamit ng mga modernong kagamitan.