Pinawi ng Armed Forces of the Philippines ang pangamba ng publiko hinggil sa namataang presensya ng apat na mga barkong pandigma ng China sa bahagi ng katubigang sakop ng Tawi-Tawi.
Kasunod ito ng pagkalat ng mga larawan at video ng apat na People’s Liberation Army Navy vessels ng China sa Sibutu passage sa naturang lalawigan kamakailan lang.
Ayon sa AFP Western Mindanao Command, ang presensya na ito ng mga barko ng China ay tanging “innocent passage” lamang sa naturang lugar.
- Posibleng mga sundalong Chinese ang lulan sa mga militia vessels na nagpapanggap na mga mangingisda – PCG
- AFP at China nagkasundo umano sa “new model” para sa pangangasiwa ng sitwasyon sa Ayungin Shoal – Chinese Embassy
- China, isinapubliko na sa unang pagkakataon ang umano’y 2016 agreement nito sa PH hinggil sa WPS
Batay kasi sa United Nations Convention on the Law of the Sea, ang isang “passage” ay maikokonsiderang “innocent” hangga’t hindi ito nakakagambala sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng isang coastal state na may hurisdiksyon sa isang lugar.
Ibig sabihin, walang nakikitang problema ang mga otoridad hinggil sa presensya ng nasabing mga sasakyang pandagat sa lugar.
Gayunpaman ay tiniyak pa rin ng Hukbong Sandatahan sa taumbayan na nagpapatuloy ang kanilang pagtupad sa tungkulin na protektahan ang Pilipinas at ang lahat ng teritoryong nasasakupan ng ating bansa.