Umaasa si opposition Sen. Risa Hontiveros na kusang aaksyon ang mga komite ng Senado para imbestigahan ang presensya ng mga sasakyang pandagat ng China na namamataan sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Ayon kay Hontiveros sa panayam ng Bombo Radyo, inihain niya ang panukalang Senate investigation kamakalawa at inaasahang maaaksyunan ito sa lalong madaling panahon.
Paliwanag ng senadora, kahit naka-break ang sesyon, maaari pa ring magsagawa ng mga imbestigasyon ang mga komite, lalo na kung may “urgency.”
“Inihain po natin iyon para malaman kung bakit may mga Chinese vessel dito at kung anong hakbang ng pamahalaan hinggil sa mga ito, kung meron man” wika ni Hontiveros.
Maliban sa mga barko at bangka sa West Philippine Sea, nais ding malaman ng mambabatas kung may sapat na dokumento para sa dredging operations ang ilang nakitang dredger sa Southern Tagalog.
Dagdag pa ni Hontiveros, dapat may transparency sa anumang kasunduan sa China para matiyak na hindi made-dehado ang ating bansa.
Una rito, hinimok na rin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang gobyerno na isailalim sa review ang mga kontrata sa Beijing, bagay na ikinairita ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil wala naman daw rason para gawin ito.