Kinumpirma na ng Philippine Navy ang presensya ng dambuhalang Chinese ship sa West Phil Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, dumaan ang naturang barko sa Ayungin Shoal kahapon, July 3.
Sa kasa lukuyan ay patuloy aniya ang ginagawang tracking ng Armed Forces of the Philippines upang matukoy ang kilos o takbo ng tinaguriang ‘Monster Ship’.
Tuloy din aniya ang pagmamanman sa galaw ng iba pang mga barko ng China na ginagamit ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at Chinese Maritime Militia sa West Philippine Sea.
Batay sa huling impormasyon kahapon, natuntun ang dambuhalang barko ng China sa Mischief Reef na nagsilbi nang ‘garahe’ o pinamamalagian ng dambuhalang barko, kasama ang iba pang malalaking barko ng China.
Gayonpaman, tinukoy naman ito ng AFP official bilang ‘normal pattern’ at walang nakikitang kakaibang pagkilos sa mga naturang barko.
Ang pagbabalik ng dambuhalang barko ng China sa WPS ay ilang araw lamang mula nang ito ay nakitang umalis sa lugar.
Sa pagbiyahe ng naturang barko, nakita itong dumaan sa 12 maritime feature ng Pilipinas sa WPS.
Kahapon nang una nang kinumpirma ni US maritime security expert Ray Powell ang pagbabalik ng naturang barko sa WPS.