-- Advertisements --

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na “okay” sa kanya ang presensya sa ngayon ng US Forces sa rehiyon partikular sa South China Sea.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati sa isinagawang inspeksyon sa mga bagong aerial assets ng Philippine Air Force (PAF) sa Haribon Hangar sa Clark Airbase, Mabalacat, Pampanga.

Sinabi ni Pangulong Duterte, ayaw niya sana ang presensya ng tropa ng Amerika para manatiling neutral ang Pilipinas pero nakikita nito ang pangangailangan dahil sa tensyon sa South China Sea kung saan lalo pang mas agresibo ang China sa pag-angkin sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Pangulong Duterte, hangga’t maaari ay ayaw nitong magkaroon ng komprontasyon sa China o sa alinmang bansa na mauuwi sa trahedya.

Kasabay nito, binanggit naman ni Pangulong Duterte na ang ayaw niya sa US ay maraming pangako sa nakaraan kung saan maraming inorder na mga military equipment pero hindi naman nai-deliver.

Mistula raw tayong bata na pinangakuan pero hindi naman tinupad sa kabila ng paulit-ulit na pag-follow-up.