Nagsilbing isa sa mga pangunahing inspirasyon ni Pinay tennis star Alex Eala sa naging laban kay World No. 2 Iga Swiatek, ang presensiya ng kaniyang dating coach na si Tony Nadal.
Personal kasing nanuod ang batikang tennis coach bilang special guest ni Eala sa kaniyang player box.
Sa panayam kay Eala matapos ang kaniyang panalo kay Swiatek, sinabi niyang malaking inspirasyon sa kaniya na nanuod ang kilalang coach, kasama ang kaniyang personal coach at mga kakilala.
Bagaman maaga siyang umalis aniya upang habulin ang isang flight, ang naging presensiya ni Coach Nadal sa simula ng laban ay nagpapakita aniya sa confidence ng batikang coach sa kaniya bilang isang tennis player.
Aminado naman ang Pinay tennis star na hindi naging madali ang kaniyang laban dahil dalawa sa kaniyang hinarap ay kapwa mga Grand Slam champ.
Gayonpaman, ang hindi pagkatakot na magpatuloy aniya ang nagtulak sa kaniya upang umabanse sa kabila ng mga missed shots habang nasa kasagsagan ng laban.
Si Eala ay graduate ng Rafa Nadal Academy at si Toni ang nagsisilbing ambassador ng naturang akademiya.
Siya ay tiyuhin ng 22-grand slam champion na si Rafael Nadal at nagsilbing pangunahin niyang coach at trainer.
Maliban sa makasaysayang panalo ni Eala kay Swiatek, naungkat din ang larawan ng dalawa sa Rafa Academy graduation ni Eala kung saan sina Rafael Nadal at Swiatek ang mismong nag-abot sa certificate ni Eala.