Nagpakita ng alalahanin ang Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa namataang presensya ng isang barko ng Chinese Coast Guard (CCG), na tinukoy bilang CCG 5901, malapit sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ang barkong ito, na kilala bilang ‘monster ship’ dahil sa laki nito—12,000 tonelada, na limang beses na mas malaki kaysa sa pinakamalaking mga barko ng PCG ay nadetect mula sa 54 nautical miles sa lugar ng Capones Island sa Zambales.
Gamit ang Dark Vessel Detection System ng Canada, kinumpirma ng PCG ang nakitang barko ng China nitong Sabado ng gabi, agad namang ipinadala ng PCG ang BRP Cabra, isang helicopter, at ang PCG Caravan upang masubaybayan ang naturang barko.
Ang barko ng CCG, na unang naiulat na malapit sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc), ay nakita ring gumagalaw patungong kanlurang direksyon at huling nakita na nasa 85 nautical miles mula sa Zambales.
Iginiit ng PCG na ang presensya ng barko ng China, sa loob ng EEZ ng Pilipinas, ay isang hamon sa soberanya ng Pilipinas. Binibigyang-diin ng mga awtoridad ng Pilipinas ang kanilang pangako na protektahan ang mga mangingisdang Pilipino na nag-ooperate sa mga katubigan na ito, at tiyakin ang kanilang kaligtasan at access sa katubigan ng Pilipinas nang walang harassment.