Nanggaling na mismo kay Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. ang anunsiyo na ginawaran ng Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon ang convicted na si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Idinaan ni Locsin ang abiso sa kanyang official Twitter account.
“Cutting matters short over what constitutes time served, and since where he was detained was not in the prisoner’s control — and to do justice — the President granted an absolute pardon to Pemberton.”
Una nang hinatulan ang Amerikanong sundalo dahil sa pagpatay sa transgender woman na si Jeffrey alyas Jennifer Laude.
Bago ang anunsiyo ni Locsin mainit na pinagdebatehan ang nakatakda umanong paglaya ni Pemberton kung saan pinagbasehan daw ang computation sa good conduct time allowance (GCTA).
Nagpaliwanag din ang Bureau of Corrections (BuCor) na hindi tugma ang kanilang computation sa GCTA ni Pemberton kumpara sa kwenta ng Olongapo City Regional Trial Court.
Ayon sa BuCor hindi raw kasi isinama nila ang isang taong pagkakakulong ni Pemberton bago nasentensiyahan noong December 2015 na hindi pa nila hawak ang dayuhang sundalo.
Dahil dito sa computation daw ng BuCor bitin pa ng 10 buwan ang pagkakakulong ng US Marine.
Dagdag pa ng BuCor, ang pinuno o jail warden lang ng piitan kung saan siya nakapiit ang puwedeng magbigay ng GCTA credits.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Department of Justice (DOJ) undersecretary at Spokesman Markk Perete, sinabi nitong maging ang justice department ay ire-review pa ang computation sa iginawad na GCTA kay Pemberton.
Sa susunod na linggo kasama sana ng DOJ ang Office of the Solicitor General na maghahain ng apela sa desisyon ng Olongapo RTC na palayain na ang Amerikano.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Atty. Rowena Flores, isa sa mga legal counsel ng pamilya Laude, “shock” daw sila at hindi makapaniwala sa pagbibigay pardon ng Pangulong Duterte kay Pemberton.