Sinertipikahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang urgent ang pagpasa ng General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng Php5.268 trillion National Expenditure Program para sa 2023.
Sa isang statement ay sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ang sertipikasyong ito mula sa Malakanyang ay magbibigay-daan sa Kamara na maaprubahan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ang General Appropriations Bill sa Miyerkules, Setyembre 28, 2022.
Habang sa bukod naman na pahayag ay ipinaliwanag ni President Marcos Jr. na ang mabilis na pagpasa dito ay talagang kailangan upang agad na matugunan ang kinakailangang pagpapanatili sa nagpapatuloy na operasyon ng pamahalaan kasunod na rin ng napipintong pagtatapos ng kasalukuyang fiscal year.
Dagdag pa ng pangulo, palalakasin din nito ang mga pagsisikap ng pamahalaan sa mas epektibong pagtugon sa COVID-19 pandemic, at gayundin ang pagsuporta sa mga hakbangin nito tungo sa national economic recovery.
Sa kabilang banda naman ay sinabi ni Romualdez na tinitignan ngayon ng Kamara na maaprubahan ang GAB sa ikatlo at huling pagbasa bago o sa mismong araw ng Oktubre 1.
Kung maaalala, noong buwan ng Agosto ay ipinadala ng Department of Budget and Management sa House of Representatioves ang proposed national budget para sa taong 2023 na kasalukuyan namannang pinagpupulungan ngayon sa plenary sa Kamara.
Batay sa panukalang budget ng DBM para taong 2023, madadagdagan pa ang alokasyon ng Pilipinas sa edukasyon, imprastraktura, kalusugan, social protection, at agrikultura.