KORONADAL CITY – Nais ng kampo ni President Quirino Mayor Azel Mangudadatu na maliwanagan ang ibinabang utos na nagsususpinde sa kaniya bilang alkalde sa loob ng 45 na araw.
Nag-ugat ang nasabing utos mula sa inihaing resolution number 40 mula kay Sultan Kudarat Governor Teng Mangudadatu kung saan pinapasuspinde ang naturang alkalde dahil umano sa kasong Misconduct in Office, Dereliction of Duty at Abuse of Authority.
Sa AO ng gobernador, ang preventive suspension sa alkalde ay hindi umano penalidad subalit unang hakbang lamang para sa administative case upang alamin kung may sapat itong batayan.
Subalit ayon kay Atty. Esraelito Torreon, legal counsel ni Mayor Mangudadatu, ipinagtataka nila bakit hindi man lang ipinaliwanag kung sa anong dahilan kailangang suspendihin ang alkalde.
Dahil dito, magsasampa sila ng manifestation kay Governor Mangudadatu na kumukwestyon sa naturang kautusan at iginiit na depektibo ito.