Pinabulaanan ng government task force on media security ang naging obserbasyon na binanggit sa report ng US State Department na mayroong seryosong rstriksiyon sa kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas.
Gayundin ang report ng US State Dept. na mayroong chilling effect ang pagpatay at pag-atake laban sa mga mamamahayag sa Pilipinas.
Sa inilabas na statement ng organisasyon, tinawag ni President Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Undersecretary Paul Gutierrez ang naturang chilling effect na “work of fiction” ng ilang quarters na mayroon umanong ugali na punain lagi ang negatibong bagay at hindi ang positibong bagay.
Paliwanag pa ng grupo na ang 3 insidente ng karahasan sa media kabilang ang kamakailang ulat ng US State Department ay naresolba na kung saan natukoy, naaresto at nasampahan na ng mga kaso ang mga suspek.
Para din aniya sa grupo, ang chilling effect dahil sa pagpatay at pag-atake sa mga mamamahayag, red-tagging at political pressure ay pawang minority opinion lamang sa mga media practitioners.
Base nga sa 2023 Country Reports on Human Rights Practices mula sa US State Department, patuloy na humaharap ang mga mamamahayag sa harassment at banta ng karahasan.
Kung saan ang nasabing mga pag-atake ay mula umano sa mga indibidwal na politiko, government authorities at makapangyarihang pribadong indibdiwal na kritikal sa kanilang reporting.