BACOLOD CITY – Napaluha ang presidente at chief executive officer ng Yanson Group of Bus Companies makaraang mabawi ang lahat ng mga opisina at terminal ng biggest bus company sa bansa mula sa kamay ng kanyang kuya na itinalaga ng kanilang mga kapatid bilang presidente.
Nabatid na ang main office ng Vallacar Transit Inc. sa Barangay Mansilingan, Bacolod City ang pinakahuling nabawi ni Leo Rey Yanson at ina na si Olivia Villaflores Yanson mula sa kapatid na si Roy.
Sa press conference nitong Sabado, emosyonal si Leo Rey habang nagpapasalamat sa kanilang mga empleyado dahil sa pagmamahal at pagsakripisyo na kanyang motibasyon upang ipagpatuloy ang laban.
Halos hindi makapagsalita ng tuloy-tuloy si Leo Rey dahil napaluha ito habang nagpapasalamat sa kanyang ina.
Ayon sa bunso sa pitong magkakapatid, alam nito ang hirap na dinadanas ng kanilang ina dahil matanda na ito sa edad na 86-anyos.
Binalikan din ng bus firm president ang hirap na dinanas ng kanyang ina at ama si Ricardo Yanson Sr. noon upang mapalaki ang kanilang kompanya.
Aniya, hindi siya nagtrabaho sa kompanya para sa kanilang apat na mga kapatid na may sariling faction dahil tinuruan siya ng kanilang mga magulang na mahalin ang kanilang mga empleyado bilang pamilya.
Sa ngayon, payapa na sa main office ng Ceres at unti-unti na ring bumabalik sa normal ang trabaho.
Dahil hindi pa nareresolba ng korte ang writ of preliminary injunction na hiningi ng magkabilang panig ukol sa pag-upo ng bawat isa bilang presidente, dalawa ang pangulo ng Yanson Group of Bus Companies.