-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Apat ang sugatan na mga Manobo-Pulangiyon tribe at mga kasamahan ng presidential candidate na si Ka Leody De Guzman sa pamamaril ng mga umano’y private armies ni Quezon, Bukidnon Mayor Pablo Lorenzo III dakong alas-11:30 kaninang umaga sa Barangay Botong, Quezon, Bukidnon.

Ito ang inihayag ni De Guzman sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay De Guzman, kabilang sa mga nasugatan ay ang katabi nitong si Ka Nanie at mga Manobo tribe na sina Datu Arroyo, isang nagngangalang Ager at si Robert Nabatian.

Nangyari ang pamamaril sa kanila nang magsisimula na sanang magtayo ng kanilang mga bahay ang mga Manobo sa apat na ektaryang lupa na inaangkin umano ni Mayor Lorenzo.

Ang nasabing lupa ay bahagi lamang ng 900 ektarya na ancestral domain ng mga Manobo na kinakamkam umano ng alkalde.

Taong 2018 pa nang nabigyan daw ng certification ng NCIP national ang mga Manobo na pag-aari nila ang lupa at may kautusan na rin sa alkalde na ibigay sa tribu ang lupa ngunit hindi umano ito ginawa hanggang sa kasalukuyan.

LEODY DE GUZMAN

Sinasabing nais na umano ng mga tribu na lumipat sa bakanteng lupa na bahagi ng kanilang ancestral domain ngunit ayaw silang payagan ng mga private armies ng alkalde kaya’t nangyari ang pamamaril.

Nilinaw din ni De Guzman na pumunta ito sa nabanggit na lugar upang pakinggan ang hinaing ng mga tribu na umano’y biktima ng land grabbing ng alkalde.

Habang sinusulat ang balitang ito nasa emergency hospital na ng Maramag Bukidnon si De Guzman at ang apat pa na mga nasugatan sa nangyaring pamamaril.

Naglabas din ng hiwalay na statement si De Guzman.

“Salamat sa mga nag-alala. Ako po at sila kasamang Roy Cabonegro at David D’angelo ay ligtas. Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon.”