Naisumite na ng kampo ni dating senator at presidential aspirant Bongbong Marcos sa National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng kanyang drug test na isinagawa kahapon.
Negatibo sa illegal drugs ang isinumiteng resulta ng kampo ng dating senador sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Vic Rodriguez.
Ang kopya ng resulta ng negatibong drug test ay isinumite rin sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP.
Kahapon sinasabing mas nauna pang nagpa-drug test si Marcos kaysa sa tumatakbo ring presidente na si Sen. Ping Lacson at vice presidential bet na si Tito Sotto III sa isang ospital sa Metro Manila.
Ang hakbang ni Marcos na magpasailalim sa drug test ay kasunod na rin ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong isang presidential aspirant na gumagamit daw ng cocaine.