-- Advertisements --
parlade

Agad na tinuligsa ni presidential aspirant at retired Lt Gen. Antonio Parlade Jr. si Sen. Bong Go na kabilang umano sa “problema” ng Pilipinas.

Ginawa ni Parlade ang pahayag matapos na humabol din sa paghain nang certificate of candidacy sa pagka-presidente sa 2022 elections.

Kung maalala naging kontrobersiyal ng husto si Parlade dahil sa ginawang niyang “red tagging” sa ilang kritiko ng administrasyon noong ito pa ang spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Parlade hindi siya pwedeng luminya sa partido ni Sen. Go dahil sa hindi niya gusto ang istilo nito na komokontrol sa mga desisyon umano ng Pangulong Duterte.

Binigyang diin ni Parlade na wala naman siyang away sa dating close-aide ng pangulo.

Pero nang tanungin si Parlade kung anong partikular na dinidiktahan ni Go si Duterte, marami raw ito pero hindi naman niya tinukoy.

Tanungin na lamang daw ang AFP, Philippine Army at maging ang secretary of National Defense.

“I cannot align with Senator Bong Go. I’m sorry but isa siya kasama sya sa problema ng bayan natin,” ani Parlade.

Samantala, bumwelta naman si Sen. Go sa mga paratang ni Parlade.

Aniya, mismong ang Pangulong Duterte na raw ang nagsabi na walang nagkokontrol sa kanya.

Giit ng mambabatas tumutulong lamang daw siya sa pangulo mula pa noon.

Umiiwas na ring makipagsagutan ang senador kay Parlade.

Bong Go

Sa katunayan kasama pa raw siya sa nag-indorso para italagang undersecretary noon si Parlade.

Hahayaan na lamang daw niya na taongbayan ang humusga.

“Tanungin natin ang mga kasama niya sa AFP, PNP, etc. Alam nila kung paano ako tumulong na maipatupad ang desisyon na ito ni Pangulong Duterte para sa kapakanan ng mga sundalo, pulis, bumbero at iba pa,” wika pa ni Sen. Go.