KALIBO, Aklan—Umapela ang isang Presidential Awardee for Filipino Individuals and Organizations Overseas sa kapwa overseas Filipino wokers sa Middle East na maging kalmado, mahinahon at huwag nang makibahagi pa isyu ng pulitika lalo na kung makakaapekto ito sa kanilang trabaho.
Ang pahayag ni Bombo International News Correspondent Dennis Nama Rata ng Kuwait ay kasunod sa paglilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 20 Pilipino ang inaresto at ikinulong sa Qatar matapos mag-rally bilang pagpapakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniya mismong kaarawaan noong Marso 28 kung saan, kasalukuyan siyang nakakulong sa International Criminal Court (ICC) detention facility at nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa kaniyang war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Dagdag pa ni Rata, bilang mga OFW’s ay dapat isaisip at unahin ang kapakanan ng pamilya sa Pilipinas dahil sa iba aniya ang kultura sa Middle East kung ihahambing sa ibang bansa.
Wala aniyang nagbabawal sa kahit sinumang OFW’s na magpapakita ng suporta sa kanilang mga iniidolong lider o pulitiko ng bansa ngunit hindi kailangang umabot pa sa ganito na maaapektuhan ang kanilang trabaho at magiging kalagayan sa bansang kinasasadlakan.
Una rito, inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na nakalaya na ang isa habang 19 na iba pa ang kasalukuyang nasa kustodiya ng Qatar police station.
Matatandaan na si Rata ay tumanggap ng BANAAG presidential award noong 2022 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte bilang pagkilala sa pambihirang kontribusyon nito sa Filipino community sa Kuwait at siya rin ang kauna-unahang Aklanon OFW na nakatanggap ng nasabing award.