BAGUIO CITY – Inilarawan ng isang tagabantay ng halalan sa Indonesia na “very chaotic” na ngayon ang nangyayaring presidential election doon.
Hinuli na rin umano ng mga pulis ang ilan sa mga nangingialam sa resulta ng halalan na nasa panig ni Indonesian President Joko Widodo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Indonesian Muhammad Hatta, sinabi niya na sinukukan ng grupo ni Widodo na papanalunin ito sa halalan kahit na manual ang pagbilang sa mga boto.
Aniya, halos lahat ng mga survey institutions sa kanilang bansa ay binili ni Widodo at ginagambala pa umano ng mga bayarang hackers ang opisina ng election organizers.
Sinabi niya na sa national ballot field ay nanalo ang kandidatong ti Prabowo Subianto sa pamamagitan ng 62 percent.
Natatakot umano ang kampo ng kasalukuyang pangulo na maging presidente si Subianto dahil lahat ng masasamang gawain nito mula sa korapsiyon hanggang sa human rights violation ay malalaman ng publiko.
Inihayag din ni Hatta na marami sa mga naglalantad ng ginagawang pangingialam ng kampo ni Widodo ay hinuli ng mga pulis.
Sa ngayon, tahimik aniyang naghihintay ang mga Indonesians sa ano mang development sa nasabing halalan, lalo na sa resulta ng manual count.
“Indonesian election fraud is very massive and structured, now the Jokowi government is starting to intervene in the organizers,” ani Hatta.