-- Advertisements --

Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Presidential Security Group (PSG) kaugnay ng serbisyo at dedikasyon nitong ipinamalas kahit sa mga nakalipas nang taon.

Sa mensahe ng commander-in-chief kaugnay ng pagtatapos sa isinagawang VIP protection course ng PSG, sinabi nitong hindi lamang kapuri-puri ang debosyon ng mga PSG na mapangalagaan siya at ang first family kundi pati na ng iba pang VIPs.

Nagsilbi namang kinatawan ng pangulo sa okasyon ang presidential son na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na nagpaabot din ng kaniyang mensahe.

Isa naman sa mga nagsipagtapos sa VIP Protection Course at bahagi ng Classes 129-2022 at 130-2022 ay ang aktor na si Matteo Guidicelli.

Ayon kay 2nd Lt. Guidicelli, isang malaking karangalan na siya’y bahagi na ng Presidential Security Group matapos na mapiling sumailalim sa naturang pagsasanay at maging parte na Ng elite force na magngangalaga sa presidente at sa first family.

Si Guidicelli na isang reservist ng Philippine Army ang kauna-unahang celebrity reservist na magiging miyembro ng Presidential Security Group.

Sinaksihan naman si 2nd Lieutenant Guidicelli sa kanyang pagtatapos ng kaniyang asawang celebrity rin na si Sarah Geronimo.