DAVAO CITY – Inanunsiyo ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte ang posibilidad na tatakbo na rin siya para sa speakership position sa House of Representatives.
Matatandaan na una nang inihayag ng presidential son na wala siyang interes sa naturang posisyon, pero bigla na lamang umanong nagbago ang kanyang isip dahil sa issue ng term of sharing na itinutulak ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Inihayag ni Pulong na sasali siya sa labanan sa pagka-speaker dahil nahahati lamang ang kongreso na sa kanyang pananaw ay makakatulong siya ng malaki upang muling mapag-isa silang lahat.
Ipinanukala pa ng nakababatang Duterte na ang position ng speaker of the House ay maaaring pagsaluhan ng mga representante mula sa Mindanao, Visayas, Luzon, at ng mga partylist groups.
Kakausapin umano niya ang Visayas block na pumili ng speaker para sa kanilang term sharing pati na rin sa Mindanao bloc at sa partylist coalition.
Aniya, hindi lamang umano dalawang tao ang pinag-uusapan dito, kung hindi ang buong bansa.
Para kay Paolo hindi lamang daw ito tungkol sa speakership kung hindi sa kung sino ang tamang tao na muling makakapagbuo sa Kongreso.
Umaasa naman umano si Cong. Duterte na titigilan ng mga tatakbo para sa speakership ang pag-impluwensiya sa gabinete ng kanyang ama.
“The House is divided, I might be able to help unite it. Pareho lang kaming binoto ng mga tao ah. Kung term sharing, term sharing na kaming lahat,” ani Rep. Duterte.
Ang pagbabago ngayon ng isip ng bagong mambabatas mula sa Davao ay sa kabila ng pahayag kamakailan ng Pangulong Rodrigo Duterte na magre-resign siya sa puwesto bunsod na pawang pamilya na lamang sila nakaupo sa poder kung mangyari ito.
“Itong si Paolo, sabihin ko sa kanya, ‘If you run for speakership, let me know. Kasi kung tatakbo ka, magre-resign ako kasi marami na tayo,’” pahayag noong buwan ng Mayo ni Presidente Duterte.