ILOILO CITY – Inilatag ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang mga dapat at hindi dapat gawin kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine at general community quarantine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Roque, sinabi nito na mananatiling sarado ang mga amusement centers, leisure facilities, at mga eskwelahan.
Ayon kay Roque, maaari na ring bumalik sa trabaho ang piling empleyado sa non-essential services sa kondisyon na sinusunod ang physical distancing measure.
Dagdag pa ni Roque, ipapatupad pa rin ng local government unit ang curfew para sa mga walang trabaho.
Ani Roque, pinagbabawalan pa rin ang mga kabataan, mga matanda at mga maysakit na lumabas ng kani-kanilang mga bahay.
Napag-alamang nananatiling nasa enhanced community quarantine ang lalawigan ng Iloilo samantalang ang lungsod ng Iloilo, Aklan, Antique, Capiz at Negros naman ay isinailalim sa General Community Quarantine umpisa Mayo 1.