CENTRAL MINDANAO – Nagbabala ngayon ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoms) sa mga nagkakanlong at protektor sa utak o mastermind sa pamamaril patay kay Eduardo “Ed” Dizon, news anchor ng Brigada News FM sa Kidapawan City.
Una nang naglabas ng warrant of Arrest si RTC 12th Judicial Region Branch 61 Judge Henelinda Molina Diaz laban kay Dante Tabusares alyas Bong Encarnacion.
Binalaan ng PTFoms ang lahat na mga lokal opisyal, mga pulis, mga sundalo at mga sibilyan na nagkakanlong at nagprotekta kay Tabusares na mananagot sila sa batas.
Sa kalatas na ipinadala ni Undersecretary Joel Egco kay PNP-12 regional director Brig. Gen. Alfred Corpus, na namataan umano ang suspek na may mga armadong security escort at malayang naglilibot sa Kidapawan City at probinsya ng Cotabato.
Agad inatasan ni Corpuz ang pulisya sa rehiyon na ipatupad ang warrant of arrest kay Tabusares.
Sinabi naman ni Kidapawan City chief of police, Lt. Col. Ramel Hojilla na patuloy nilang pinaghahanap si Bong Encarnacion na palipat-lipat na ito ng tirahan.
Nakipag-ugnayan naman si Colonel Hojilla sa iba pang law enforcement units lalo na sa ibang tanggapan tulad nang paliparan at pantalan upang hindi na makalabas ng bansa si Tabusares na suspek sa pagpatay kay Dizon.
Marami naman ang naniniwala na posibleng nagtago na sa ibang lugar si Tabusares o kaya umanib daw sa New Peoples Army (NPA).
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek sa mga lugar na posibleng pagtaguan nito.