Nakatakdang magsasagawa ng Presidential briefing sa Malacañang mamayang hapon bilang bahagi ng ginagawang paghahanda sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, sisentro ang briefing sa magiging talumpati ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Andanar, kung susundin ni Pangulong Duterte ang script ay maaaring tumagal lang ang SONA nito ng 45 hanggang 50 minuto.
Pero ibang usapan na umano kung mag-adlib si Pangulong Duterte na karaniwan nitong ginagawa.
Kasama rin sa nakatakdang briefing ang magiging blocking ng pangulo pagdating sa Kongreso.
Ilan sa mga inaasahang isassama ni Pangulong Duterte sa kanyang darating na SONA ay ang plano nito kaugnay sa peace and security, poverty alleviation at “Build, Build, Build” program.
“Kung talagang… if the President sticks to the speech, sa palagay ko nasa mga 45 to 50 minutes eh, pero kung dadagdagan mo ng adlib doon hahaba. Mamaya ay meron kaming presidential briefing sa magiging talumpati at iyong blocking ni Presidente pagdating sa Kongreso,” ani Sec. Andanar.