Nakahanda si Presidential Spokesman Harry Roque na tumakbo sa pagka-senador sa 2022 national elections.
Pero sinabi ni Sec. Roque, gagawin niya lamang ito kung tatakbo sa pagka-presidente ng bansa ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon kay Sec. Roque, tatakbo siya sa ilalim ng administrasyon.
Batay umano sa kanyang pagkakaalam, hindi tatakbo si Mayor Sara sa pagka-pangulo pero ipinapanalangin niyang magbabago ang isip ng mayor.
Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya pabor na tumakbo ang kanyang anak dahil hindi kakayanin ang trabaho lalo’t isa siyang babae at hindi niya “deserve” ang dadanasing pang-iinsulto at batikos ng mga kritiko.
Samantala, naniniwala naman si Sec. Roque na gusto na talaga ni Pangulong Duterte na mag-retiro pero gagawa pa rin ng desisyon na mas makabubuti sa bayan.
Kung tatakbo umano sa pagka-presidente si Mayor Sara, hindi tatakbo sa pagka-bise presidente si Pangulong Duterte.
Pero kung hindi tatakbo ang nakababatang Duterte, posibleng si Sen. Christopher “Bong” Go ang tatakbong presidente basta katambal o vice president nito si Pangulong Duterte.
“Naniniwala po ako na gusto ng magretiro ng Presidente, pero naniniwala din po ako na gagawa ng decision ang Presidente na mas makakabuti sa ating sambayanan. So, sa tingin ko po iyong isyu kung siya ay tatakbo o hindi, nakadepende po iyan, unang-una kung tatakbo si Mayor Inday Sara,” ani Sec. Roque.
“Kung tatakbo po si Mayor Inday Sara, sigurado po ako hindi siya tatakbo ng vice president, pero kung hindi po tatakbo si Mayor Inday Sara ay palagi naman po niyang sinasabi na at sinabi na rin po ni Sen. Bong Go na kapag hindi tatakbo si Mayor Inday Sara pupuwedeng tumakbo si Sen. Bong Go pero tatakbo lang siya kung katambalan niya si Presidente Rodrigo Roa Duterte.”