-- Advertisements --
image 66

Hindi pa rin tukoy hanggang sa ngayon ang kinaroroonan ng 25 anyos na preso ng New Bilibid Prison (NBP) na si Michael Cataroja na una ng napaulat na nawawala mula noong Hulyo 15 at hindi pa rin batid kung ito ba ay buhay pa o patay na.

Sa isinagawang imbestigasyon sa House public order and safety committee sa kaso ng naturang preso, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. sa mga mambabatas na missing pa rin si Cataroja.

Ayon pa kay Catapang hangga’t hindi aniya nabubuksan ang lahat ng walong septic tank at nagagalugad ang buong Bilibid, nananatili pa ring missing ang status ng naturang preso.

Kapag hindi aniya talaga matagpuan sa loob ng Bilibid si Cataroja saka ito idedeklarang nakatakas o AWOL.

Sinabi naman ni BuCor Deputy Director Angelina Bautista na mayroong long history ng pagtatago si Cataroja dahil sa pagkakautang nito.

Sinabi din nito na ang natagpuang underwear at kalansay sa septic tank ay nadiskubre nang sundan ng K9 dog ang amoy ng damit sa Dorm 5 ng Bilibid kung saan nanatili si Cataroja.

Sa kabila nito patuloy pa rin ang pagsusuring ginagawa ng Forensic Unit ng National Bureau of Investigation sa natagpuang kalansay sa may septic tank kung ito nga ba’y talagang labi ng nawawalang preso.

Top