-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sugatan ang isang bilanggo ng South Cotabato Provincial Jail matapos na tamaan ng M-16 armalite rifle ng on-duty na jail guard na umano’y nag-warning shot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jail Warden Felicito Gumapac, aksidente lamang ang pagkakatama sa hita ng bilanggong si Mutalib Usman Aliman, 27-anyos, residente ng Barangay Datu Angal, Midtimbang, Maguindanao at may kasong 15 counts na Violation sa Section 15 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Warden Gumapac, hindi riot ang nangyari sa loob ng piitan kundi warning o babala lamang ang ginawa ng jail guard ngunit dahil sa hindi inaasahang pagtama nito sa matigas na bagay tinamaan umano ang bilanggo.

Sa panig naman ng jail guard na si Ronnelio Gazo, umaga pa lamang ay nagpapasaway na raw ang mga preso kaya’t makailang beses na itong nagbabala ngunit kinahapunan ay ganun pa rin ang nangyari.

At upang manatili sa kanilang selda ang mga preso dahil sa ulat na may tinatapon na mga droga sa pader ay nagpaputok ito ngunit aksidenteng tinamaan si Aliman.

Agad naman na dinala sa South Cotabato Provincial Hospital si Aliman na ginagamot na sa ngayon.

Siniguro naman ni Gumapac na magsasagawa pa rin ng imbestigasyon at pansamantalang ire-relieve sa posisyon ang jail guard.