-- Advertisements --

LA UNION – Itinanggi ng isang inmate sa bayan ng Agoo, La Union na nakitaan daw ng sintomas ng COVID-19 ang alegasyong nakatakas ito sa kamay ng pulisya matapos umanong ubuhan ang escort na pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa naturang inmate na si Teofilo Lopez, sinabi nito na kaya siya tumakas ay dahil sa tinaniman daw ito ng droga bilang ebidensya ng mga pulis at kinasuhan sa korte.

Ilang araw din itong nakulong sa Agoo Police Station.

Ayon kay Teofilo, nagsisinungaling daw ang mga pulis sa inilabas nilang ulat hinggil sa pagtakas nito.

Hindi aniya totoo ang report na may sintomas ito ng COVID-19 at ipapa-check-up sana sa ospital at habang nasa loob ng patrol car ay inubuhan nito ang kanyang police escort upang makatakas.

Sabi ni Teofilo, nakatakas ito mula sa mga pulis nang dalhin siya sa kanilang tirahan dahil umano sa pagsasagawa ng operasyon kontra droga.

Iginiit ng inmate na tumakas ito upang linisin ang kanyang pangalan at humahanap lamang ito ng magandang pagkakataon upang sumuko.

Dagdag pa ni Teofilo na ito ay nagtatago sa bahagi ng Manila at nakikituloy sa kaibigan.

Una rito, base sa ulat ng Agoo Police Station, inubuhan umano ng inmate na may sintomas ng COVID-19 ang bantay nitong pulis habang sila ay patungo ng ospital.

Pinara ng police escort ang patrol car upang maghilamos ng mukha at maghugas ng kamay ngunit sinamantala umano ng inmate ang pagkakataon upang tumakas.

Samantala, kinumpirma naman ni PMaj. Lawrence Ganuelas, OIC ng Agoo Police Station na na-relieve sa puwesto ang dating hepe na si PMaj. Chey Chey Saulog at ang pulis na nagsilbing escort ni Teofilo.