LAOAG CITY – Inirereklamo ni Mr. Domingo Batac, taga Cacafean sa bayan ng Marcos at sumuko mismo sa New Bilibid Prison, ang kanilang sitwasyon sa nasabing kulungan.
Ayon kay Batac, higit 200 silang nasa kustudiya ng NBP ngunit iisa ang palikuran, walang naibigay na higaan kahit karton lamang sana at kakaunti ang umano ang ipinapakain.
Sinabi nito na naisilbi na niya ang kanyang sentensya pero dahil naisama ang kanyang pangalan sa listaan na kailangang sumuko ay bumalik sa Bureau of Corrections (BuCor) para sundin ang mandato ni Pang. Rodrigo Duterte.
Ganunpaman, sinabi nito na hanggang ngayon ay wala pang report sa kanila ang ahensya na tuluyan ng mapalaya.
Iginiit na hindi malinaw ang trabaho ng Document Section ng ahensya dahil kahit ang mga sumuko na wala umano sa listahan ay tinaggap pa rin nila.
Dahil dito, nais niya na makarating ang kanilang sitwasyon sa pamahalaan para mapabilis ang paglaya nila na wala sa orihinal na listahan.