-- Advertisements --

(Update) LA UNION – Naibalik na sa kulungan ang presong tumakas kahapon sa Bacnotan Police Station sa bayan ng Bacnotan, La Union.

Napag-alaman ng Bombo Radyo La Union na nahuli din nitong Miyerkules ng gabi ang suspek na si Julius Nieva sa bayan din ng Bacnotan matapos isagawa ng mga otoridad ang mahigpit na paghahanap, ngunit inilipat na ito ng kulungan sa San Juan Police Station.

Magugunitang nagpanggap ang suspek na nakakaramdam ng matinding sakit ng tiyan kung kaya’t binuksan ng isang on-duty na non-uniformed personnel ang selda nito upang posasan sana ng pulis bago dalhin sa pagamutan.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, biglang itinulak ng malakas ng suspek ang nasabing NUP at wala rin nagawa ang pulis na maglalagay sana ng posas sa preso.

Si Nieva ay nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso matapos tumakas, maliban pa sa unang kaso nito na paglabag sa RA 9165.

Samantala, ni-relieve sa puwesto ang dating hepe ng Bacnotan Police Station na si P/Cpt. Virgilio Cruz dahil sa pangyayari.

Sa ngayon, ang itinalaga sa nasabing posisyon ay si P/Maj. Luis Liban.